Dismayado si Senate Committee on Agriculture and Food Chairperson Cynthia Villar sa pagsisimula kahapon ng pagdinig kaugnay ng usapin sa implementasyon ng Philippine Fisheries Code of 1998.
Ito ay dahil sa walang maipakitang detalye ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) tungkol sa ginagawang hakbang nito upang malabanan ang illegal fishing.
Pinangangambahan sa ngayon ang posibilidad na ma-ban ang Pilipinas sa pag-export ng seafoods sa mga bansang kabilang sa European Union kung hindi naipatutupad na maayos sa bansa ang mga regulasyon ukol sa pangingisda.
Malaking kawalan aniya sa ekonomiya ng bansa kung mawawala ang kinikita na mahigit 9 billion pesos na fisheries export sa Europe. Dagdag pa nito ang daing ng sektor ng pangingisda dahil sa kakaunting huli na mga isda.
Depensa naman ng BFAR, may ginagawa silang programa upang tumaas ang fish sufficiency level ng bansa.
Ayon kay BFAR Director Eduardo Gongona, nasa 92 percent na ang fish sufficiency level ng bansa ngayon, pero giit ng ahensya dapat ring tumulong ang local government units sa pangangalaga sa mga municipal water.
( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )