Schedule ng mall sale ngayong holiday season, dapat itaon ng weekend-MMDA

by Radyo La Verdad | October 9, 2018 (Tuesday) | 8195

Ipinatawag kahapon ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang mga mall operator sa Metro Manila upang muling pakiusapan hinggil sa pagbabago sa oras ng kanilang operasyon.

Layon nito na mapaghandaan at maibsan ang inaasahang lalo pang pagsisikip ng trapiko dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga tao na magpupuntahan sa mga mall ngayong holiday season.

Matapos ang pagpupulong, nagkasundo ang MMDA at mga stakeholder na hindi na mag-iiskedyul ng mga sale simula Lunes hanggang Biyernes, sa halip ay itataon na ito tuwing weekend.

Bukod dito, pansamantala ring ililipat ng alas onse ng umaga ang pagbubukas ng mga mall mula sa dating alas dyes ng umaga upang hindi na sumabay pa sa bulto ng mga sasakayan at mga commuter na bumibiyahe tuwing rush hour.

Epektibo ang bagong mall operating hours simula sa ika-5 ng Nobyembre at tatagal hanggang sa ika-14 ng Enero 2019.

Bukod sa mall hours, ililipat na rin ng alas onse ng gabi hanggang alas singko ng umaga ang oras ng delivery ng mga produkto sa mga mall.

Pinakiusapan rin ng MMDA ang security personnel sa mga mall na makatulong nila sa pagmamando sa mga motorista na paparada sa mga mall upang maiwasan na tumukod ang traffic sa kalsada.

Kasama rin sa mahigpit nilang babantayan ang pagdidisplina sa loading at unloading zone, at paglaganap ng umano’y operasyon ng nga colorum na UV express van sa mga mall.

Ayon sa isang malaking mall owner, nasa higit sampung porsyento ang nawawala sa kanilang kinikita kapag ina-adjust ang oras ng kanilang operasyon.

Samantala, suspendido rin mula sa ika-5 ng Nobyembre hanggang ika-14 ng Enero 2019 ang paghuhukay ng ilang utility projects sa Metro Manila upang hindi na makapekto sa lalong pang pagbigat ng traffic ngayong holiday season.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,