Scandal sa Bureau of Immigration, extortion at hindi bribery – Sen.Gordon

by Radyo La Verdad | March 10, 2017 (Friday) | 3627


Matapos ang limang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa umano’y 50-million bribery-extortion sa Bureau of Immigration, nakumbinsi na si Committee Chair Sen. Richard Gordon na isa itong kaso ng pangingikil ng ilang immigration officials at hindi panunuhol ng negosyanteng si Jack Lam.

Aniya, sina dating Commissioners Al Argosino at Michael Robles ang lumapit sa negosyante upang paulit-ulit na humingi ng pera kapalit ng pagpapalaya sa mga inarestong Chinese workers mula sa isang casino sa Fontana Resort noong nakaraang taon.

Hindi rin umano ligtas sina Commissioner Jaime Morente at dating Intelligence Division Chief Charles Calima sa pananagutan lalo nat lumalabas na itinago nila kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang impormasyon ng pagtanggap nina Robles, Argosino at Calima ng pera mula sa negosyante.

Bagaman kanya galing ang 50 million, wala umanong pananagutan si Jack Lam, at biktima lang umano ito ng extortion.

Kahit pa retired Police Wally Sombero na umaming nakatanggap ng sampung milyong piso mula sa pagiging umano’y middle man ng immigration officers at ni Lam ay wala rin umanong sala sa nangyari.

Maging si Justice Secretary Vitaliano Aguirre na umano’y nakipagpulong sa kampo ni Lam, at inalok rin ng bribe money, ay wala ring pananagutan

Samantala, muntik nang na ma-cite in contempt si Robles matapos itong tumanggi na sumagot sa tanong ng mga senador dahil sa kasalukyang imbestigasyon ng Ombudsman.

Pero dahil humingi ito ng tawad kay Sen. Gordon, hindi na tinuloy ng komite ang banta.

Ayon naman kay Gordon, ihahanda na nila ang committee report na may rekomendasyon patungkol sa mga posibleng panukalang batas na maipapasa para sa regulasyon ng negosyong katulad ng kay Lam.

(Joyce Balancio / UNTV Correspondent)

Tags: , , , ,