Humarap sa impeachment committee kahapon sina SC Associate Justices Diosdado Peralta, Lucas Bersamin at Samuel Martires.
Dito inamin nina Justices Peralta at Bersamin na pinakialaman nga ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang temporary restraining order na may kinalaman sa Senior Citizen’s Partylist nang hindi umano ipinaalam sa SC en banc. Bagay na maituturing namang impeachable offese ayon sa mga kongresista.
Kinumpira rin ng mga ito na nagdulot nga ng dalawang taong delay ang technical working group na binuno ni CJ Sereno sa pagbibigay ng survivorship beneffits na kinamatayan na ng mga benepisyaryo.
Pero nilinaw naman ng tatlong SC Justices na hindi sila humarap sa kumite para bigyan ng duda ang independence ng judiciary o siraan man ang punong mahistrado, kundi para magbigay pagrespeto sa kumite na tanging binigyan ng kapangyarihang bigay ng konstitusyon sa kumite na duminig ng impeachment complaint.
Dismayado naman ang kampo ni CJ Sereno sa nagiging takbo ng pagdinig. Anila, patuloy na ginigipit ng impeachment committee ang punong mahistrado sa hindi nito pagpayag na irepresenta siya ng kanyang mga abogado.
Kaya naman para sa kanila, dapat nang dalhin sa senado ang reklamo dahil doon lang irerespeto ang kanyang karapatan bilang akusado.
Samantala, ipinatawag ng kumite ang psychiatrist na sumuri at nagbigay ng bagsak na grado kay CJ Sereno.
Base sa mga alegsyon ng complainant na si Atty. Larry Gadon tinanggal umano ang psychiatrist na ito nang ma-appoint si Sereno bilang Chief Justice noong 2012.
( Grace Casin / UNTV Correspondent )