Tinapos na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang problema sa liderato sa loob ng Subic Bay Metropolitan Authority.
Ito ay sa pamamagitan ng paglalabas ng kautusan na nagpapawalang bisa sa Executive Order No. 340, series of 2004 ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. Ito ay may kinalaman sa pagtatakda ng magkaibang tao bilang chairman at administrator ng SBMA.
Bunsod nito, nawalan na ng pwesto si Martin Diño, kilalang kaalyado at supporter ni Duterte habang mananatili namang administrator at bagong chairman si Wilma Eisma.
Umiwas naman ang Malakanyang magsalita kung maitatalaga sa ibang pwesto sa pamahalaan si Diño. Hindi rin ito nagsalita hinggil sa kasalukuyang ugnayan nito kay Pangulong Duterte.
Samantala, nanumpa na rin kanina si Eisma at mananatili sa kanyang posisyon hanggang June 30, 2022.
Sinabi nito na malaking hamon sa kanya ang pangasiwaan ang naturang economic zone ngunit sisikapin nyang gampanan ng maayos ang kanyang trabaho.
Kamakailan ay nagkaroon ng kalituhan sa mga empleyado nito dahil sa magkaibang direktiba nina Diño at Eisma.
Sa kabila nito nagpasalamat pa rin si dating SBMA Chairman Martin Diño kay Pangulong Duterte sa nangyari at sinabing masaya siya ngunit tumanggi na itong banggitin ang dahilan nito.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )
Tags: inalis na, Pangulong Duterte, SBMA Chairman Martin Diño