Sasa Port modernization, tinutulan ng iba’t ibang sektor ng lipunan sa Davao City

by Radyo La Verdad | April 12, 2016 (Tuesday) | 2500

SASA-PORT
Hindi sang-ayon ang iba’t ibang sektor sa Davao City sa pagpapatupad ng proyektong modernisasyon sa Sasa Port.

Naniniwala ang mga ito na hindi dumaan sa tamang proseso at konsultasyon ng city council ang Public-Private Partnership Project ng national government.

Ayon kay Atty. Harry Roque, lahat ng proyektong posibleng makasira sa kalikasan ay dapat isailalim sa environmental impact assessment at dapat munang magkaroon ng environmental clearance certificate bago isakatuparan.

Iginiit rin ni Roque na ma-anomalya ang proyektong ito dahil nasa apat na bilyong piso lamang ang halaga ng inirekomendang pondo ng Philippine Ports Authority para sa modernisasyon ng mga port sa bansa.

Mas mababa ito kumpara sa labing-walong bilyong pisong halaga ng Sasa Port Modernization Project.

Una nang naghain ng resolusyon si City Councilor Diosdado Mahipos upang pormal na tutulan ang proyekto dahil umano sa paglabag sa local government code.

Samantala, nangangamba naman ang Samal City Resort Owners Association sa magiging epekto ng port extension lalo na sa usaping pangkalikasan.

Nakatakda namang talakayin ang isyu sa sesyon ng lokal na konseho ngayon araw.

(Janice Ingente /UNTV NEWS)

Tags: