Sapat na supply ng tubig at pagkain, tiniyak ng task force El Niño

by Radyo La Verdad | March 7, 2024 (Thursday) | 4571

METRO MANILA – Ipinahayag ni Task Force El Niño Spokesperson Assistant Secretary Joey Villarama sa publiko na magtipid.

Aniya hindi naman magkakaroon ng shortage sa supply ng pagkain at tubig sa bansa ngayong nararanasan na ang epekto ng el niño phenomenon.

At kahit marami na ang nakikitang report tungkol sa mga natutuyong palayan at bitak na mga lupa, paliwanag ni Asec. Villarama na nagbigay rin ng kasiguraduhan ang Department of Agriculture (DA) na mayroong sapat na suplay ng bigas ang bansa.

Sa ngayon ay dry harvest season na kung saan ina-ani na ang mga nakaraang itinanim na mga palay kaya may inaasahan pa ring papasok na bigas.

Siniguro rin ng da na may sapat na suplay ng mga pangunahing produkto gaya ng manok, baboy, mais at asukal. Anila sa kasalukuyan ay may over supply pa nga ng itlog sa bansa

Pagdating naman sa suplay ng tubig, ayon kay Asec. Villarama, mayroong sapat na imbak sa mga dam at hindi pa kinakailangang magbawas ng alokasyon sa mga konsumer.

Ayon naman kay Engr. Eduardo Guillen, ang administrator ng National Irrigation Administration napaghandaan na rin nila ang posibleng epekto ng el niño sa supply ng tubig kaya’t kakaunting mga lugar lamang ang apektado ang irigasyon.

Dagdag pa ng opisyal na sa pamamagitan ng karagdagang budget na nagagamit sa mga irigasyon ay natutulungan din ang mga magsasakang apektado ng el niño.

Tags: ,