SAP Bong Go, hindi pa tiyak kung tutuloy sa pagtakbo bilang senador sa 2019 midterm elections

by Radyo La Verdad | October 15, 2018 (Monday) | 7980

Tatlong araw na lang ang natitira sa mga nais na tumakbo sa 2019 midterm elections upang makapagpasa ng kanilang mga certificate of candidacy (COC).

Ngunit ang isa sa mga noong una pa man ay pinakamatunog ng pangalan upang tumakbo bilang senador na si Special Assistant to the President Sec. Christopher ‘Bong’ Go, hindi pa umano sigurado kung tatakbo o hindi.

Sa pagbisita sa Butuan City noong Biyernes, sinabi nito na susundin pa rin niya ang magiging payo sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte kung saan siya mas mapapakinabangan.

At kung matutuloy aniya siya ay hindi pa rin mapuputol ang kanyang suporta sa punong ehekutibo.

Ngunit kung sakali aniyang matutuloy siya sa pagtakbo bilang senador si SAP Go, tutukan niya ang pagpapalakas ng health services sa buong bansa.

Samantala, ayon sa kalihim ay wala pa umanong napipili ang Pangulo na papalit sa kanya kung sasabak siya sa 2019 midterm elections.

Matatandaang una nang kinumpirma ng PDP-Laban na kasama sa kanilang senatorial slate si Sec. Go.

Gayundin sina dating Presidential Spokesperson Harry Roque at BuCor Chief Gen. Ronald Dela Rosa.

 

( Raymond Octobre / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,