SAP beneficiaries ng DSWD, makatatanggap pa rin ng ayuda sa Mayo – DSWD

by Erika Endraca | April 28, 2020 (Tuesday) | 2216

METRO MANILA – Nasa ilalim man ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) o General Community Quarantine (GCQ), muling makatatanggap ang mga benepisyaryo ng Social Amelioration Program (SAP) sa buwan ng Mayo.

Ayon kay Department Of Social Welfare And Development (DSWD) Secretary Rolando Bautista, ito ay batay sa panuntunan na inilabas na ahensya para sa SAP.

“Dalawang buwan ipapatupad ang sap. kaya lamang ang pamamahagi ng social amelioration cash subsidy sa Mayo ay nakadipende sa bilis ng ating lokal na pamahalaan na mag liquidate ng unang tranche.” ani DSWD Sec. Rolando Bautista

Ayon sa kalihim, pinag uusapan na ng Interagency Technical Working Group on Social Amelioration Program ang implementasyon ng second tranche ng SAP.

Tiniyak naman ng kalihim na mayroong sapat na pondo para sa 2 programa ng pagpapatupad nito.

Hahanapan naman ng paraan ng ahensya na mabigyan din ng tulong ang mga mahihirap na pamilyang hindi nakasama sa unang tranche ng programa.

“Sinasabi natin sa mga lokal na pamahalaan na kolektahin lang ang mga pangalan na to. (isumite) sa dswd. dahil itong data na ‘to ang magiging basehan para idulog namin to sa mga economic advisers, managers para kanilang mapag-aralan at mahanap ng additional na pondo.” ani DSWD Sec. Rolando Bautista.

Samantala, umabot na sa P37-B  ang halaga ng ayuda sa ilalim ng social amelioration program ang naipamagi ng DSWD as of April 26.

Ayon kay Secretary Bautista, nasa mahigit 7-M pamilya na ang natulungan ng programa.

Nasa P16.3-B naman na pondo ang naipamahagi na sa 4P’s beneficiaries

P20.3-B na rin ang naipamahagi sa nasa 3.5-M low income families na hindi myembro ng 4P’s.

Habang P323-M na halaga ng ayuda para sa mahigit 40,000 TNVS at PUV drivers sa NCR.

Ayon sa DSWD, sa 1632 Local Government Units (LGU) sa Pilipinas, nasa 1514 na mga LGU na nag nabigyan ng pondo na may kabuoang halaga na mahigit P80-B

(Vincent Arboleda | UNTV News)

Tags: