Hindi ibabalik ng kumpanyang Sanofi Pasteur ang 1.8-billion pesos na ibinayad ng pamahalaan para sa mga nagamit ng Dengvaxia dengue vaccines.
Sa kabila ito ng inilabas na initial result ng UP-PGH Panel of Experts na posibleng nagkaroon ng vaccine failure sa tatlong batang nasawi sa dengue kahit na nakumpleto ng mga ito ang tatlong dosage ng anti-dengue vaccine.
Pero ayon sa head ng Sanofi Pasteur-Asia Pacific na si Thomas Triomphe, naninindigan sila na epektibo ang nasabing bakuna at hindi nila pagbibigyan ang kahilingang ibalik ang ibinayad sa kanila.
Bunsod nito, pinag-aaralan na ng DOH ang magiging ligal na aksyon laban sa Sanofi.
Sinugod naman ng mga magulang ng batang nabakubahan ng Dengvaxia si dating DOH Secretary Janette Garin. Sinisi nila si Garin sa pagkamatay ng mga batang nabakunahan ng kontrobersyon na bakuna.
Nirerespeto umano ni Garin ang hinaing ng mga magulang, subalit hindi na umano dapat pang palakihin ang isyu.
( Grace Casin / UNTV Correspondent )