Sanofi Pasteur, sasagutin ang pagpapagamot sa mga kumpirmadong nagkasakit na nabakunahan ng Dengvaxia

by Radyo La Verdad | January 22, 2018 (Monday) | 3993

Muling humarap sa Senate Blue Ribbon Committee hearing ngayong araw ang mga personalidad at opisyal ng Department of Health na may kinalaman sa pagproseso, pagbili at pagbibigay ng Dengvaxia vaccines sa mga kabataang Pilipino.

Kabilang sa mga dumalo sa pagdinig ang mga dating kalihim ng DOH na sina Enrique Ona,  Janette Garin at Dr. Paulyn Jean-Ubial.

Dumalo din sa pagdinig sina World Health Orgnization Country Representative Dr. Gundo Weiler.

Sa takbo ng pagdinig, kinumpirma ng Sanofi Pasteur na sasagutin nito ang gastos at danyos ng mga batang mapatutunayang nagkasakit o namatay dahil sa Dengvaxia.

Humarap din kanina sa pagdinig ang dalawang magulang na humihingi ng hustisya at tulong para sa kanilang mga anak. Isa na rito si Mang Ian Colite na pumanaw ang anak noong nakaraang taon matapos umano’y makumpleto ang tatlong dose ng Dengvaxia.

Si Aling Gemma Evangelista naman ay lubos na nababahala dahil sa mga nararamdaman ngayon sa kaniyang labing isang taong gulang na anak na babae matapos mabakunahan ng Dengvaxia.

Tiniyak naman ng panel of experts sa kumite na mailalabas nila ang tunay na dahilan ng kamatayan ng mga batang nabakunahan ng Dengvaxia.

Iginiit naman ni dating DOH Sec. Enrique Ona na hindi niya kailanman inirekomenda ang paggamit ng Dengvaxia dahil alam niyang hindi pa ito napapatunayang epektibo.

Itinaggi rin ng dating kalihim na magkasama sila ng dating Pangulong Aquino noong November 2014 sa Beijing China upang makipagpulong sa Sanofi.

Itutuloy ang pagdinig ng kumite sa February 6, 2018, alas diyes ng umaga.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,