Sanofi Pasteur, hindi agad ipinagbigay-alam na hindi maaring gamitin ang Dengvaxia sa mga hindi pa nagkasakit ng dengue – FDA

by Radyo La Verdad | February 27, 2018 (Tuesday) | 3670

Kinumpirma ng Food and Drugs Administration na hindi ipinagtapat sa kanila ng pharmaceutical company na Sanofi Pasteur na hindi maaaring ibigay ang Dengvaxia sa mga hindi pa nagkakaroon ng dengue.

Naging argumento rin ito ni dating Pangulong Benigno Aquino III sa kanyang pagharap sa imbestigasyon ng Kamara kahapon kaugnay sa kontrobersyal na dengue vaccine.

Ito ang ibinunyag ng Food and Drug Administration sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Kamara sa isyu ng Dengvaxia.

Iginiit rin ni dating Pangulong Benigno Aquino III na hindi rin ito ipinagtapat sa kanila ng Sanofi Pasteur.

Ayon sa dating Pangulo, kaya inaprubahan noon ang paggamit sa dengue vaccine ay dahil sa impormasyong ibinigay ng Sanofi na ligtas ang bakuna at aprubado pa ito ng FDA.

Nagpa-abot ng pakikiramay si Aquino sa pamilya ng mga batang iniuugnay ang kamatayan sa Dengvaxia.

Gayunman, hindi daw sila maaaring sisihin sa nangyari. Nagpasaring naman si Aquino sa isang nagpapanggap aniyang eksperto na sumusuri sa mga sinasabing biktima ng Dengvaxia.

Hindi man pinangalanan ng dating Pangulo, agad namang dinipensahan ni Public Attorney’s Office Chief Percida Acosta ang kanyang forensic expert na si Dr. Edwin Erfe.

Sa pagdinig, giinit ni dating DOH Sec. Janette Garin na ang paggamit ng Dengvaxia anti-dengue vaccine sa ilalaim ng Aquino administration ay dahil sa naging pagtaas ng bilang ng mga kaso ng dengue sa Region 3, 4-A at NCR.

Nais naman ni Department of Health Sec. Francisco Duque III na matapos na agad ang pagdinig upang hindi na ito lumikha ng takot sa iba pang vaccination program ng kagawaran.

 

( Grace Casin / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,