Bagaman bukas na sa trapiko ang Evangelista Street sa Bangkal, Makati City ay nananatili pa ring sarado ang katabing gasolinahan kung nasaan ang water drainage na may umano’y gas leak.
Simula nang ireklamo ng mga residente noong nakaraang linggo ang matinding amoy ng krudo sa lugar ay patuloy na inaalam ng mga otoridad kung saan nanggagaling ang umano’y gas leak.
Matapos makumpirma ng Bureau of Fire Protection (BFP) na may diesel content na lumulutang-lutang sa tubig ng naturang kanal at mataas ang fumes sa loob ng confined water drainage ay masugid ang mga pagsisiyasat na isinasagawa ng kawanihan.
Sumailalim ang mga apektadong kanal sa flushing at foaming upang ma-dilute o mawala ang diesel content sa tubig at mabawasan ang fumes.
Nakipagtulungan din ang gasolinahan ng Phoenix sa BFP, katuwang ang isang pribadong kumpaniya na Trans Overseas Industrial Corporation (TOIC) na nagsagawa ng mga testing.
Inalis ng mga ito ang lahat ng laman ng apat na tangke ng naturang gasolinahan at isinailalim sa pressure at hydro testing upang tiyakin kung saan nanggagaling ang leak.
Kahapon ay balik na sa normal ang lahat at wala na ang malakas na amoy ng krudo o fumes. Nagbukas na rin ang mga tindahan sa lugar at nananatili naman ang peace and orderliness dito sa pakikipagtulungan ng mga tauhan ng Makati City Police Station at lokal na pamahalaan.
Sa ngayon ay patuloy na naka-standby ang ilang kawani ng BFP kabilang ang isang fire truck nito. Nakatakda naman ang pagpupulong sa pagitan ng Phoenix management, city hall officials at Bureau of Fire Protection (BFP) bandang alas diyes ng umaga ngayong araw.
Inaasahang magbibigay ang mga ito ng pahayag kaugnay sa resulta ng mga testing na naisagawa at kung saan nga ba nanggagaling ang umano’y gas leak.
( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )
Tags: gas leak, Makati City, water drainage