Sanhi ng Pneumonia outbreak sa Argentina, maaaring masubaybayan ng Pilipinas – DOH

by Radyo La Verdad | September 9, 2022 (Friday) | 3926

METRO MANILA – May kakayahan ang Pilipinas na masubaybayan ang sanhi ng Pneumonia outbreak sa Argentina na pinaghihinalaang Legionnaires’ disease ayon sa pahayag ni Department of Health (DOH) Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire sa isang media briefing nitong Lunes (September 5).

Ito ay sa pamamagitan ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ng bansa na maaaring magsagawa ng laboratory surveillance sa nasabing sakit.

Ipinahayag ni Vergeire na ang DOH ay bahagi ng isang platform na tinatawag na International Health Regulations, kung saan ang bawat bansa ay nagtutulungan sa pandaigdigang pagbabantay sa mga specific at sakit na biglang lumalabas.

Batay sa mga natanggap na ulat ng ahensya, aabot sa 4 na tao sa Argentina ang namatay sa sakit at mayroon namang 14 na kaso sa San Miguel de Tucuman sa South America.

Ang mga sintomas ng sakit na Legionnaire ay pananakit ng tiyan, lagnat, pananakit ng kalamnan, pulmonya sa baga, at kakapusan sa paghinga. Maaari itong maipasa mula sa paglanghap ng mga kontaminadong droplet sa hangin o sa tubig na naglalaman ng Legionella bacteria, sapagkat ayon sa United States Centers for Disease Control and Prevention, matatagpuan ang mga ito sa freshwater environment at maaaring kumalat sa mga water system.

Kasalukuyang pinag-aaralan ng DOH ang kaso at idiniin na may isinasagawang close monitoring sa mga komunidad ng bansa.

(Andrei Canales | La Verdad Correspondent)

Tags: ,