Tatlong oras matapos maibigay sa 3rd division ang kaso ni dating Bise Presidente Jejomar Binay kaugnay ng umano’y maanomalyang pagpapatayo ng Makati car park building, agad na nagtungo ang dating bise presidente sa Sandiganbayan upang magpiyansa.
Sumailalim siya sa booking procudure tulad ng finger printing at mug shot sa 3rd Division Clerk Office na inabot ng mahigit dalawang oras.
376 thousand pesos ang piyansa ni Binay sr para sa kasong graft, malversation at falsification of public documents.
Kasama ng dating bise presidente ang kanyang anak na si dismissed Mayor Junjun Binay na nagpiyansa naman ng 100 thousand pesos para sa tatlo pang kaso na isinampa ng Ombudsman laban sa kanya.
Kaninang umaga nagdesisyon ang Sandiganbayan en Banc na isama na ang kaso ni Binay Sr. sa iba pang kaso ni Junjun Binay.
Ayon kay Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang ang chairman ng 3rd division, ngayong consolidated na sa kanilang division ang mga kaso ng mga Binay, maaaring matagalan pa sila bago maglabas ng desisyon kung may probable cause o sapat na basehan ang mga ito.
May nakabinbin pa ring mosyon si Junjun Binay na kumukwestiyon sa impormasyon na isinampa ng Ombudsman.
Sinisiguro naman ni Presiding Justice Amparo Cabotaje- Tang na magiging patas ang Sandiganbayan sa pagdinig sa kaso ng mga Binay.
Maliban sa mga kaso kaugnay ng Makati cark park building,hawak rin ng 3rd division ang kaso sa maanomalyang pagbili ng hospital ng Makati ng medial supplies taong 2000 at 2001
Pangunahing akusado naman dito ang asawa ni Jejomar Binay na si Elenita Binay na mayor noon ng lungsod.
(Joyce Balancio / UNTV Correspondent)
Tags: agiging patas sa paghawak ng kaso, mga Binay, Sandiganbayan