Nagpatuloy ang direct examination ng prosekusyon kay Benhur Luy bilang pangunahing testigo sa pagpapatuloy ng pagdinig sa kahilingang makapagpiyansa ng dating mambabatas na sangkot sa maanomalyang paggamit ng PDAF at nailuklok na Masbate Governor na si Rizalina Leachon-Lañete.
Sa pagdinig, tinanong ng mga justice ng fourth division kung bakit hindi nito nilagyan ng attachment ang isa sa mga enumeration nito sa sinumpaang salaysay partikular na ang mga naging financial transaction ng mga bogus NGO ni Janet Lim Napoles.
Ayon kay Justice Jose Hernandez, malibang may photographic memory si Luy, dapat ay nakasaad sa kaniyang salaysay kung saan nakabatay ang impormasyong binanggit niya.
Ayon naman kay Luy, nakabatay ang impormasyon sa kaniyang external hard drive subalit hindi inadvise ng kaniyang dating abugado na si Atty. Levi Baligod na magprint out ng mga attachment.
Wala rin umanong instruction na nanggaling sa abugado na dapat may source o attachment ang kaniyang salaysay.
Samantala, pag-uusapan ng prosecution panel kung magpapagawa ng search warrant para sa laptop at personal computer ni Luy.
Ito ay matapos tanungin ng korte ang prosekusyon kung hindi ba nila sinubukang hanapin ang mga gamit na ito ng whistleblower upang matukoy kung tampered ba o hindi ang external hard drive ng testigo.
Ayon kay Luy, kinumpiska ni Janet Lim Napoles ang mga gamit niya nang siya ay illegally detain nito.
Samantala, sa susunod na Miyerkules ay nakatakda nang sumalang sa cross examination ng abugado ni Lañete ang testigong si Luy.
Tags: Benhur Luy, Napoles, Sandiganbayan