Sample ng mga Lambanog mula sa ilang tindahan sa Rizal, Laguna, nagpositibo sa mataas na methanol content- FDA

by Erika Endraca | December 26, 2019 (Thursday) | 3011

METRO MANILA – Lumabas sa pagsusuring ginawa ng Food and Drug Administration (FDA) na 11.4 hanggang 18.2% ang methanol content ng mga sample ng lambanog na kinuha sa 3 tindahan sa Rizal, Laguna na anila ay ininom ng nasa 300 na isinugod sa magkakaibang ospital dahil sa methanol poisoning noong Sabado (Dec. 21).

Ang mga sample ay mula sa Rey lambanog, Emma’s lambanog at Orlando mapa store. Ayon sa FDA, ang methanol content ng mga naturang lambanog ay lubhang mataas para ikonsumo ng tao. Dagdag pa ni FDA OIC USec Eric Domingo, ang methanol content ng isang alcoholic beverage ay hindi dapat lumampas ng 1% .

“Kasi nga nagfo- form ng acid sa katawan ang methanol dahil hindi siya nada- digest ng ating atay at kapag tuloy- tuloy maaari talagang ikamatay maaari din iyong ating bituka, iyong tiyan, iyong optic nerve kaya may nabubulag at lahat din ng ating organs sa ating katawan.” ani FDA OIC, Usec Eric Domingo.

Ang methanol ay isang wood alcohol na flammable at poisonous . Kapag nakakonsumo ang isang tao ng kahit 30ml lamang ng isang inumin na may mataas na methanol content ay tiyak na ikamamatay nito. Kung ma-absorb ito ng balat o kaya nalanghap ay maaaring magdulot din ito ng toxic effect.

Kapag nalason ng methanol, maaaring mapinsala ang ilang organ ng katawan lalo na kung marami ang na-konsumo ng isang indibidwal. Nire- require ng FDA ang lahat ng mga manufacturer ng alcoholic drinks na kumuha ng licence to operate and certificate of product registration . Ito ay upang matiyak dumaan sa tamang proseso ang mga inumin bago ito lumabas sa mercado.

“May mga produkto po kasi na high risk kasama itong ating mga alcoholic beverage na kung maaari po huwag na tayong bibili at iinom ng mga hindi rehistrado sa fda kasi ibig sabihin hindi natin namo- monitor ito, hindi natin alam kung saan gawa , kung paano gawa at mahirap po nating mabigyan ng assurance ng safety ang publiko.” ani FDA OIC, Usec Eric Domingo.

Pinapayuhan ng FDA ang publiko na tangkilikin lamang ang mga pagkain at inumin na lisensyado at aprubado ng kanilang ahensya.

(Aiko Miguel | UNTV News)

Tags: