Samar, isinusulong na maging tourist destination sa kabila ng banta ng kalamidad

by Radyo La Verdad | April 20, 2015 (Monday) | 3820

spark-samar_jenelyn-2
Naglaan na ng sampung milyong piso ang Western Samar provincial government para sa kampanya nitong Spark Samar ngayong panahon ng tag-init at bakasyon.

Gagamitin ito para sa tourism launch ng samar bilang isang tourism destination sa Eastern Visayas at sa bansa kung saan iso-showcase ang iba’t ibang falls, ilog, dagat at kabundukan bilang bakasyunan at pasyalan ng mga turista.

Ayon kay Samar Governor Sharee Ann Tan, layon ng proyekto na isulong ang lalawigan bilang tourist attaction sa kabila ng banta ng kalamidad, isyu ng kahirapan at insurgency.

Maraming magagandang lugar sa samar na maaaring pasyalan, at kapag lumago ang industriya ng turismo, maaari itong makatugon sa problema ng kahirapan, lalo na sa mga liblib na bayan, dahil mabibigyan ng trabaho ang mga residente.

Hinimok rin ni Governor Tan ang mga samarnon na alamin at libutin ang sariling bayan para makatulong sa tourism promotion at magsilbi na ring guide sa mga dadalaw na turista.

Ngayong kasagsagan ng pagbabakasyon, sinimulan na rin ang kick-off ng Spark Samar sa pamamagitan ng pagsasapubliko sa billboards ng dot.

Tampok rin dito ang kultura ng samarnon at delicacies na dito lamang sa Eastern Visayas matatagpuan.

Naniniwala ang lokal na pamahalaan na magiging matagumpay ang tourism program para makilala ang Samar, hindi isang lugar na dinadaanan ng bagyo at haven ng economically-challenged people, kundi isang magandang lalawigan na dapat bisitahin ng mga tao.(Jenelyn Gaquit/UNTV Correspondent)