Ito ang reenactment ng Salubong, ang martsa ng mga pulis at militar patungong People Power Monument upang salubungin ang grupo ng mga sibilyan.
Ala singko pa lamang ng umaga ay naka formation na ang isang libong pulis mula sa iba’t ibang unit sa Camp Crame, nakipagtagpo ang mga ito sa isang libo ding sundalo mula sa army, navy at airforce sa EDSA Santolan upang sumama sa tradisyunal na salubong.
Magkakapit-bisig na nagmartsa ang mga ito mula EDSA Santolan patungo ng EDSA People Power Monument.
Ito’y bilang paggunita sa ika 30 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution na tumapos sa diktadoryang pamumuno ni former Pres. Ferdinand Marcos.
Pinangunahan ni former President Fidel V. Ramos at matataas na opisyal ng PNP at AFP ang pagsalubong sa grupo ng mga sibilyan at madre.
Ayon kay PNP Chief PDG Ricardo Marquez, bagama’t hindi sya naging kabahagi ng EDSA People Power noong 1986 ay naramdaman nya ang diwa nito.
Aniya isa sa mensahe ng EDSA People Power para sa kanya ay ang kabutihan ng pagsasama sama at pagkakaisa.
Mahalaga din aniya na gunitain ang mga nangyari noon upang mamulat ang bawa’t henerasyon at pahalagahan ang demokrasyang tinatamasa natin ngayon.
Samantala, payapa naman sa pangkalahatan ang paggunita ng EDSA People Power Revolution base sa assessment ng NCRPO, walang anomang naitalagang petty crimes sa People Power Monument at sa paligid nito habang isinasagawa ang programa.
Ito’y bunsod na rin ng maraming pulis na ipinakalat sa ground para sa maayos na pagpapatupad ng seguridad, bukod pa sa mga command post ng pnp sa mga gilid ng EDSA.
(Lea Ylagan / UNTV Correspondent)