METRO MANILA – Umaabot na sa mahigit 1,000 ang araw-araw na gastusin para sa disenteng pamumuhay ng isang pamilyang may 5 myembro batay sa kompyutasyon ng Ibon Foundation.
Ngunit ang minimum wage ng isang manggagawa sa National Capital Region (NCR), umaabot lang P570 o kalahati lang nito.
Ayon kay Ibon Foundation Executive Director Sonny Africa, kung susumahin ay halos sa pagkain na lang ng buong pamilya napupunta ang sweldo ng isang minimum wage earner. At wala nang natitira para iba pang mga gastusin gaya sa tubig, kuryente, upa sa bahay at pamasahe.
Panawagan naman ng Ibon Foundation sa pamahalaan, itaas ang minimum wage at suportahan ang mga maliliit na negosyo para makapagbigay ng sapat na sweldo at makapamuhay ng disente ang mga Pilipino.
Ngunit una nang sinabi ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) na mas makabubuti kung mas pagtutuunan ng pansin ang job creation kaysa sa pagtataas ng sweldo.
Maaari rin umano na magresulta sa pagsasara ng mga maliliit na negosyo ang pagbibigay ng dagdag sahod sa mga manggagawa.
Kung direkta namang tatanungin ang ilan nating mga kababayan, hindi na anila talaga sapat ang minimum wage sa laki ng gastusin sa kasalukuyan.
Ngunit para sa ilan ay dapat pa rin balansehin para sa kakayahan ng mga employer.
Nobyembre lang nang ipanawagan ng government workers sa pangunguna ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (COURAGE) na itaas sa P33,000 kada buwan ang kanilang minimum wage upang mailapit ito sa makatotohanang family living wage.
Sinabi naman ng Department of Budget and Management (DBM) na ang pagtataas ng sahod sa mga empleyado ng gobyerno ay mangangailangan pa ng batas.
Gayunpaman, sinabi ng DBM na ipatutupad sa 2023 ang huling tranche ng salary increase para sa mga civilian personnel alinsunod sa Republic Act 11466 o Salary Standardization Law 5.
(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)
Tags: DBM, DOLE, Ibon Foundation, Salary Increace