Pasado alas singko ng madaling araw kahapon ng isinagawa ng Bureau of Corrections (BuCor) ang Oplan Ukay-Ukay sa New Bilibid Prisons.
Sa naturang operasyon, ginalugad ng mga tauhan ng BuCor at Special Action Force (SAF) ang tatlong building sa maximum security compound at ang Supermaximum Security Housing Unit.
Nasabat sa mga bilanggo ang mahigit pitong daang kutsilyo at iba pang matutulis na bagay, apatnapu’t dalawang gramo ng hinihinalang shabu, apa’t na pung cellular phones at iba pa.
Ayon kay Dela Rosa, pababa na ng pababa ang bilang ng mga kontrabandong nakukumpiska bunga ng serye ng search operations sa bilibid.
Naipapasok umano ang mga kontrabando sa pamamagitan ng mga bisita habang ang iba ay inihahagis sa loob ng compound.
Kinamusta naman ni Dela Rosa ang mga preso sa Supermaximum Security Housing Unit at binalaan kaugnay ng pagdadala ng iligal na droga sa loob ng selda.
Mahaharap sa administrative case ang mga nahulihan ng kontrabando. Maaaring kanselahin ang kanilang visiting privileges ng mga ito.
( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )
Tags: BuCor, kontrabando, Oplan Ukay-Ukay