Sa bisa ng search warrant na inisyu ni Angeles City Executive Judge Omar Viola, sinalakay ng mga tauhan ng Philippine National Police-Anti Illegal Drugs Group at Philippine Drug Enforcement Agency ang dalawang bahay sa 75-9 Clover St. Timog Park Subdivision Brgy. Pampang Angeles City Pampanga.
At dahil walang nagbubukas ng gate, napilitang akyatin ng mga operatiba ang bakod ng bahay.
Ayon kay PNP AIDG Deputy Director for Operations P/SSupt. Leonatdo Suan, halos tatlong buwan nilang isinailalim sa surveillance ang lugar dahil sa tip ng isang confidential informant.
Natagpuan sa unang bahay ang isang heating mantle, burner at tangke na ginagamit na lutuan ng shabu.
Nakita naman sa pangalawang bahay ang mga laboratory equipment tulad ng beaker, separator funnel, glass container, test tube, flask at iba pa.
Kasama ring natagpuan ang mahigit 120 sako ng caustic soda, magnesium sulfate, sodium hydroxide, acetone, hydrogen gas, 12 barrels ng mga undetermined substance, 3 container ng undetermine liquid.
Ayon kay PDEA Region 3 Director Gladys Rosales, ikinukunsidera nilang medium scale shabu laboratory ang bahay na nirentahan ng isang Rosemarie Xiao at nang hinihinalang Taiwanese na asawa nito.
Samantala, nasorpresa naman maging ang barangay chairman sa nadiskubreng shabu laboratory sa kanyang nasasakupan
Bagamat inabandona na ni Xiao ang nasabing bahay sinabi naman ng abogado ng aidg na sasampahan pa rin nila ito ng karampatang kaso.
Magsasagawa pa rin sila ng mga follow up operations upang matukoy kung sinu-sino pa ang kasabwat ni Xiao at ng asawa nito sa paggawa ng ipinagbabawal na gamot.
(Lea Ylagan / UNTV Correspondent)
Tags: Angeles City, isang subdivision, paggawa ng shabu, Pampanga, PNP-AIDG at PDEA, Sako-sakong kemikal