Sakit sa puso, hindi hazing ang ikinamatay ni Atio Castillo – Solano

by Radyo La Verdad | October 25, 2017 (Wednesday) | 4538

Nagsumite na ng kontra-salaysay sa DOJ ang dalawampung miyembro ng Aegis Juris Fraternity bilang depensa sa mga reklamong kinakaharap nila kaugnay ng pagkamatay ni Atio Castillo.

Ayon sa principal suspect  na si John Paul Solano, walang basehan upang kasuhan siya ng murder, paglabag sa anti-hazing law, perjury at obstruction of justice. Sa kanyang counter affidavit, sinabi nito na sakit sa puso ang ikinamatay ni Atio at hindi hazing o pananakit ng mga kasamahan sa fraternity.

Malinaw aniya sa medico legal report na may HCM o hypertrophic cardiomyopathy si Atio, isang kondisyon na nagpapataas ng risk ng atake sa puso. Batay umano sa kanyang napag-aralan bilang medical technologist, dati na itong sakit ng biktima at hindi resulta ng hazing.

Ayon pa sa kanyang abogado na si Atty. Paterno Esmaquel, walang sinasabi sa medico legal report na namatay sa hazing si Atio. Itinanggi naman ito ng mga magulang ni Atio at ayon sa ina nito na si Carmina Castillo, maayos ang kalusugan ng kanilang anak. Ayon naman sa Manila police bahala na ang crime laboratory na sagutin ang alegasyon ni Solano.

Si Solano ang nagdala kay Atio sa Chinese General Hospital kung saan idineklara itong dead on arrival. Pero ayon kay Solano, inutusan lamang siya ni Arvin Balag na dalhin sa ospital si Atio.

Tinawagan umano siya ni Ojay Onofre  at pinapunta siya sa kanilang fraternity library. Inabutan umano niya roon na nakahandusay at walang malay si Atio habang di mapakali ang anim na ka-brod kasama na sina Balag at Onofre.

Sinubukan umano niyang i-CPR si Atio ngunit walang nangyari kayat sinabi niya sa mga kasamahan sa fraternity na kailangan itong isugod sa ospital. Sinabi pa ni Solano na wala siyang alam sa sinasabing initiation rites kay Atio.

Itutuloy sa Lunes ang preliminary investigation sa kaso.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,