MANILA, Philippines – Nagpositibo sa African Swine Fever (ASF) ang mga blood samples na ipinadala ng Pilipinas sa ibang bansa.
“Out of the 20 blood samples, 14 are possitive with african swine fever” ani Agriculture Secretary William Dar.
Ayon kay Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar, hinihintay pa ng kagawaran ang resulta ng pagsusuri kung gaano kabagsik ang strain ng ASF na nakita sa Pilipinas dahil mayroong 35 strain nito.
Ayon sa opisyal, nalinis na nila ang mga lugar na nagkaroon ng ASF sa Rizal at Bulacan.
Ayon pa sa kalihim, may iba pang mga lugar silang binabantayan na nagkaroon din ng pagkamatay ng mga baboy.
Pero kahit may ASF na sa Pilipinas ay tiniyak ni DA Secretary Dar at Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na ligtas pa ring kainin ang mga karne ng baboy sa bansa.
Samantala, ipinagbabawal na ngayon ng DA ang swill feeding o pagbibigay ng “kaning baboy” sa mga alaga dahil ito ang hinihinalang pinanggalingan ng ASF.
Nakalatag naman anila ang mga hakbang at panuntunan para masigurong hindi kontamindao ang mga karneng ibinebenta sa merkado.
(Rey Pelayo | UNTV News)