Sa ikapitong sunod na linggo, mga oil companies muling nagpatupad ng price rollback

by Radyo La Verdad | November 26, 2018 (Monday) | 2996

Muling tinapyasan ng mga kumpanya ng langis ang presyo ng kanilang produktong petrolyo.

Noong Sabado, two pesos and twenty centavos per liter ang ipinatupad na rollback ng Phoenix Petroleum sa diesel habang one peso and ten centavos naman sa gasoline.

Sinundan naman ito ng Seaoil kahapon. Two pesos and thirty centavos ang kanilang binawas sa presyo ng kada litro ng diesel, one peso and ten centavos sa gasolina at two pesos and ten centavos sa kerosene.

May rollback din ngayong araw ang Jetti, habang alas sais ng umaga naman bukas epektibo ang rollback ng Shell, Caltex, Total, PTT Philippines at Petro Gazz.

Ngayong taon, nagkaroon na ng dalawampu’t siyam na beses ng price hike sa gasoline na umaabot na ng mahigit 18 piso habang nagkaroon naman na ng labing pitong rollback na umaabot na sa mahigit 15 piso.

Ang diesel, mayroon ding dalampu’t syam na beses na nag-increase na umaabot sa halos beinte pesos at labimpitong rollback na umaabot na sa mahigit trese pesos.

Ang kerosene, dalawamput pitong beses na nag-increase na umaabot sa mahigit 19 piso at mayroong 17 rollbacks na umaabot nasa halos labing apat na piso.

Pero ayon sa Department of Energy (DOE), posibleng mahinto na ang pagbaba sa presyo ng produktong petrolyo pagkatapos ng pulong ng Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC) sa ika-6 ng Disyembre.

Plano ng OPEC na magbawas na ng supply upang mabalanse ang merkado.

Napansin ng OPEC na lubhang lumalaki ang suplay ng langis na posibleng ikalugi nila kung hindi ito lahat magagamit o makokonsumo.

Para naman sa ilang jeepney driver at operator, hindi pa napapanahon na magbaba ng pasamahe sa kabila ng sunod-sunod na oil price rollback.

Ayon sa Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP), dapat ay bumaba muna sa 38 to 39 piso ang kada litro ng diesel.

Oras aniya na mangyari ito ay kusa nilang ibabalik sa syam na piso ang minimum fare sa jeep.

Bukas naman ang inaasahang diringgin ng Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang petisyon ng isang grupo para sa fare rollback.

 

( Victor Cosare / UNTV Correspondent )

Tags: , ,