RWM Towing Services sa Makati City, iligal na nag-ooperate at nangingikil sa mga motorista

by Radyo La Verdad | August 3, 2018 (Friday) | 2414

Sinubukang kausapin ng mga tauhan ng Makati City Police Station ang mga kawani ng RWM Towing Services sa motorpool nito sa Aragon Street, Barangay San Isidro, Makati bandang pasado alas nuebe ng umaga kahapon.

Ito ay matapos malaman ng mga otoridad ang iligal na operasyon ng RWM Towing Services. Hinatak nito ang bus ng UNTV Libreng Sakay nang huminto ito sa kanto ng Buendia Avenue at Bautista Street bunsod ng nasirang fuse nito.

Ngunit imbes na dalhin ang bus sa impounding area ng Manila Traffic and Parking Bureau sa Ermita, Maynila ay dinala ito sa tapat ng motorpool ng RWM Towing Services. Pagdating sa motorpool ng towing service naayos naman agad at napaandar na ang bus.

Naniningil ng halagang P8,500 ang tauhan ng RWM Towing Services para maibalik ang lisensya ng driver.

Nang mai-report sa Makati City Police ang insidente, biglang ibinalik ng isang tauhan ng RWM Towing Services ang lisensya ng driver ng UNTV bus bago pa man dumating sa lugar ang mga otoridad.

Agad ring isinara ng mga tauhan ng RWM Towing Services ang gate ng motorpool nito at hindi na lumabas sa kabila ng pangangatok ng mga pulis.

Ayon kay Police Chief Inspector Gideon Ines, deputy chief of police ng Makati City, natuklasan nilang walang license to operate ang RWM Towing Services at hindi rin umano ito accredited ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Nalaman din ng Makati police na ilang residente din ang nagrereklamo dahil sa abalang idinudulot ng mga sasakyang dinadala ng RWM Towing Services at ipinaparada sa mga tabing kalsada sa lugar.

Bunsod nito, nagpaalala ang mga otoridad sa mga motorista na kung huhulihin ng mga towing company, tingnan ang physical description na nakasulat sa gilid ng towing truck kung mayroong nakalagay na accredited ng MMDA o iba pang kinauukulang ahensya.

Ipagbigay alam sa mga pulis o MMDA ang mga kahina-hinalang towing services. Hindi naman na nagbigay pa ng pahayag ang panig ng towing service.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,