Rumisponde ang UNTV News and Rescue Team sa tatlong magkakahiwalay na aksidente sa Tarlac, Cavite at Bulacan

by Radyo La Verdad | October 21, 2015 (Wednesday) | 2021

RESCUE-TMBB
Nirespondehan ng UNTV News and Rescue Team ang aksidente sa kahabaan ng Mc-Arthur Highway sa Barangay Paraiso, Tarlac City pasado alas-diyes kagabi.

Nadatnan ng Rescue Team ang mga biktimang sina Leo Lina at Enrico Inok na parehong nagtamo ng mga gasgas sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Idinaing rin ni Inok ang pananakit ng kanyang likod kaya dahan-dahan siyang inilagay sa backboard ng rescue team.

Si Lina naman ay hirap na maigalaw ang kanyang kanang paa kaya nilagyan siya ng splint upang ma-stabilize.

Matapos lapatan ng paunang lunas ay inihatid na sila sa Talon General Hospital ng rumesponde ring rescue unit ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, sakay ng motorsiklo ang dalawang biktima nang makasalubong nila ang isang kotse na nag-swerve mula sa kabilang kalsada.

Sinubukan umanong iwasan ng kotse ang barikada sa ginagawang kalsada sa Barangay Paraiso kaya ito bumangga sa motorsiklo.

Agad namang sumuko sa pinakamalapit na police station ang driver ng kotse na si Alex Alicante at nangakong babayaran ang gastusin ng mga biktima sa ospital.

Sa Cavite
Samantala, sa bahagi naman ng Bacoor, Cavite ay isang sisenta anyos na babae ang binigyan rin ng paunang lunas ng UNTV Rescue Team.

Nagtamo si Myrna San Pascual-Consulta ng sugat at posibleng bali sa kaliwang binti matapos siyang mawalan ng balanse nang bumaba mula sa sinasakyang pampasaherong jeep sa bahagi ng Zapote sa Aguinaldo Highway.

Matapos lapatan ng First Aid ay inihatid na siya ng UNTV rescue team sa ospital.

Sa Bulacan
Nirespondehan ng UNTV News and rescue team ang nangyaring aksidente ala-sais ng umaga ng myerkules matapos makatanggap ng tawag mula sa PNP-Balagtas.

Ang biktimang si Henry Tala, 39-anyos, ay iniinda ang tinamong mga gasgas sa kanang braso, sugat sa tuhod at posibleng bali sa binti.

Sa nakalap na impormasyon, minamaneho ni Tala ang kanyang motorsiklo nang mabangga ito ng kasalubong na traysikel sa kahabaan ng Mc-Arthur highway.

Nilapatan ng paunang lunas ng rescue team ang mga sugat ni Tala saka siya inihatid sa Balagtas Doctors Hospital para sa mas masusi pang eksaminasyon.

Tiniyak naman ng driver ng traysikel na sasagutin niya ang danyos sa motorsiklo pati na ang gastusin sa ospital ng biktima.

Tags: ,