Room sharing ng mga pamilyang naka-quarantine sa mga hotel at resort, pinahihintulutan – DOT

by Erika Endraca | July 23, 2021 (Friday) | 1385

METRO MANILA – Nagpaalala ang Department of Tourism (DOT) nitong Miyerkules (Hulyo 21) sa mga accredited quarantine hotel na pinapayagan ang room sharing sa mga indibidwal na nakatira sa isang tahanan.

Batay sa DOT Administrative Order No. 2021-004-A, hindi kabilang sa single occupancy ang mga pamilyang naninirahan sa isang pamamahay at ang mga nangangailangan ng kasama tulad ng minor de edad, senior citizen, PWD at may malulubhang karamdaman.

Ayon kay DOT Secretary Bernadette Romulo-Puyat, nakatanggap sila ng mga ulat na ang ilang establisyemento ay nagpapatupad ng one-room-one-person policy kahit sa mga pamilya.

Binigyang-diin ng kalihim na dapat sumunod sa mga panuntunan ang mga DOT-accredited hotel at resort upang maiwasan ang kalituhan.

“If we want to fast-track the recovery of the industry, tourism stakeholders should also help the Department in properly implementing such measures. We need your continued support as we see more Filipino travelers wanting to return home,” dagdag pa ni Sec. Puyat.

(Rhuss Egano | La Verdad Correspondent)

Tags: , ,