Rollout ng Covid-19 vaccine sa bansa, inumpisahan na

by Erika Endraca | March 2, 2021 (Tuesday) | 2151

METRO MANILA – Tiwala ang gobyerno na tataas na ang antas ng pagtanggap ng publiko kabilang na ang health workers sa Chinese Sinovac vaccines dahil sa resulta ng covid-19 vaccination program sa UP-PGH.

Nasa 100 healthworkers ng Philippine General Hospital ang binakunahan kahapon (March 1).

1,200 Coronavac vaccine doses ang dinala sa UP-PGH alas-2 ng madaling araw kakapon (March 1).

Isa ito sa 6 na ospital na pinagsagawaan ng symbolic vaccination program upang mapaigting ang tiwala ng publiko sa mga bakuna.

Kauna-unahang recipient ang tagapanguna mismo ng state-owned hospital na si Dr. Gerardo “Gap” Legaspi at ang kaniya namang vaccinator ay ang nurse na si Chareluck Santos.

Ayon kay Dr. Legaspi, nagtitiwala siya sa mga Covid-19 vaccines na aprubado ng Food and Drug Administraton kaya una siyang nagpabakuna.

“Hindi po siya ganuon kaganda sa pananaw ng karmaihan pero pagka sinuri po ninyo ng mas malalim, maiintintidhan ninyo po kung bakit ako ang unang nagvolunteer magpabakuna. gaya po ng sinabi ko, ang akin pong mga pananaw ay hango po sa aking paniniwala sa datos at walang ibang pagbabasehan po” ani UP-PGH Director, Dr. Gerardo “Gap” Legaspi.

Binakunahan din sina FDA Director General Eric Domingo, MMDA Chairperson Benhur Abalos at si Vaccine Czar and NTF vs Covid-19 Chief Implementer Sec. Carlito Galvez.

Nagpabakuna din ang iba pang mga manggagamot, espesyalista, medical frontliners at nurses.

Giit naman ng mga espesyalista, mas mabuti nang magpabakuna gamit ang available na vaccine kaysa maghintay pa ng ibang brand ng bakuna na hindi pa dumadating sa bansa.

samantala, dumayo naman sa Dr.Jose N Rodriguez Memorial Hospital and sanitarium si testing czar secretary vince dizon para magpabakuna ng sinovac vaccine at mahikayat ang publiko.

Habang si Defense Secretary Delfin Lorenzana naman, bagaman nag volunteer na magpabakuna para masilbi sanang halimbawa, hindi naman pasok sa recommended age para tumanggap ng Sinovac vaccine, dahil 72 yrs old na ito.

Si Senator Bong Go na kilalang malapit kay Pangulong Duterte, hindi rin sumama sa nagpabakuna ng Sinovac vaccine.

Ito’y sa kabila na pasok sya sa inirerekomendang edad na pwedeng tumanggap nito, dahil 46 years old pa lamang ang senador.

sa isang mensahe sa untv news, sinabi ni senator go na sasabayan na lamang niya si pangulong duterte sa pagpapabakuna.

Bagaman nauna nang sinabi ng pangulong na Sinopharm ang brand ng Covid-19 vaccine na kanyang pipiliin.

Sinabi ni Senator Go, na hihintayin muna nila kung ano ang magiging rekomendasyon ng doktor sa pangulo, at ito na rin aniya ang brand na kanyang pipiliin na iturok sa kanya.

Hinikayat naman ni Vaccine Czar Galvez ang publiko na magpabakuna na kontra Covid-19 na siyang susi upang manumbalik sa normal ang pamumuhay ng mga Pilipino.

“Hindi po tayo pupunta sa new normal, hindi po makaka-recover ang ating economy, hindi natin maibabalika ng ating dating normal na buhay pag di po tayo magpabakuna. Ito po ay moral obligation ng lahat ng mga tao na tayo po ay magpabakuna.” ani Vaccine Czar/ NTF vs Covid-19 Chief Implementer Sec. Carlito Galvez.

Bagaman nasa PGH na kahapon (March 1), hindi naman kasama sa binakunahan sina Presidential Spokesperson Harry Roque at Manila Mayor Isko Moreno.

Ayon sa alkalde, handa siyang magpabakuna gamit ang Coronavac vaccine subalit pauunahin muna nito ang mga medical frontliner, at kung may matitira para sa kaniya, saka siya magpapabakuna.

Si Sec. Harry Roque naman ay susubukang magpabakuna ngayong araw (March 2).

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,