Rollback sa presyo ng produktong petrolyo, hindi pa tiyak kung magtutuloy-tuloy na – DOE

by Radyo La Verdad | July 6, 2022 (Wednesday) | 4773

METRO MANILA – Iniulat ng Oil Industry Management Bureau na nagdesisyon ang Organization of the Petroleum Exporting Countries (OPEC) na magdagdag ng supply sa ine-export na produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado.

Sasapatan umano ng OPEC ang supply ng langis hanggang Agosto para tugunan ang demand ng mga bansang umaangkat ng petrolyo.

Ayon sa ahensya, ito ang dahilan kung bakit nakapagbaba ng presyo ng diesel at kerosene ang mga oil company sa bansa kahapon (July 5).

Nagpatupad ng P3 rollback sa presyo ng kada litro ng diesel ang mga kumpanya ng langis. P3.40 naman na tapyas sa kada litro ng kerosene habang walang naging paggalaw sa presyo ng gasolina.

Bagama’t sa ngayon, hindi pa masasabi ng Department of Energy (DOE) na magtutuloy-tuloy na sa mga susunod na linggo ang naranasang rollback sa presyo ng langis

Marami pa rin anilang mga bagay ang maaaring makaapekto sa suplay at demand ng langis sa world market

Samantala, sa kabila ng naranasang P3 bawas sa kada litro ng diesel, naniniwala ang ilang mga jeepney driver na wala pa rin itong malaking epekto sa kanilang gastos sa krudo.

Paliwanag ng ilang tsuper, masyadong maliit ang P3 bawas kumpara sa naging pagtaas ng presyo ng petrolyo ngayong taon na umabot na sa halos P30.

Idinadaing din ng mga tsuper na bukod sa gastos sa diesel nagtataasan na rin ang presyo ng iba pa nilang mga gastusin tulad ng maintenance ng jeep at pyesa ng sasakyan kaya naman apela nila na sana ay matugunan ng pamahalaan na magtuloy-tuloy na ang rollback.

Samantala, umaapela rin sa bagong administrasyon ang ilang transport group na bantayan ang imbak na langis ng ilang oil companies upang maiwasan ang pananamantala sa presyo nito.

(Jp Nunez | UNTV News)

Tags: ,