Rollback sa presyo ng langis, inaasahang magtutuloy-tuloy pa ayon sa Department of Energy

by Radyo La Verdad | August 1, 2022 (Monday) | 10463

METRO MANILA – Maaaring magkaroon ng P1 bawas-singil sa Diesel at Kerosene ngayong linggo.

Ngunit posibleng tumaas pa ng P0.50 ang presyo ng gasolina. Bunsod pa rin ito ng pagtaas ng interest rate sa European Central Bank na nakakaapekto sa pandaigdigang presyo ng langis.

Ngunit ayon kay Department Of Energy (DOE) Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad, posibleng magtuloy-tuloy pa ang rollback sa mga susunod na linggo.

Sa kabila ng mga rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo, hindi iuurong ng mga transport group ang kanilang petisyon.

Nais ng mga city buses na magkaroon ng karagdagang P7 sa pasahe sa unang 5 kilometro para sa mga air-conditioned na bus habang P4 naman sa ordinary bus.

Ibig sabihan, kung aaprubahan ng LTFRB ay magiging P20 na ang minimum na pasahe sa air-conditioned na bus at P15 naman sa ordinary bus para sa unang 5 kilometro.

Habang ang ordinary provincial bus naman, mula sa P9 ay posibleng maging P15 na ang minimum fare sa unang 5 kilometro.

At ang air-conditioned bus ay maaaring maging P20 na ang minimum na pasahe mula sa P13.

Bukod pa riyan ang mga dagdag-pasahe sa kada kilometro pagkatapos ng unang limang kilometro na minimum na pasahe.

Payag naman ang Samahan ng Transport Operators ng Pilipinas at Provincial Bus Operation Association of the Philippines Transport Groups sakaling mas mababang dagdag-pasahe ang ibigay sa kanila ng LTFRB.

Sa pagdinig sa mga naturang petisyon sa ahensya, sinabi ni LTFRB Chairperson Cheloy Garafil na nakikita nila ang pangangailangan sa pagtataas ng pasahe sa mga pampasaherong bus.

Ngunit kailangan aniyang magkaroon ng balanse at basehan mula na rin sa opinyon ng National Economic and Development Authority (NEDA).

Inaasahan naman ang susunod na pagdinig sa mga petisyon sa August 11.

(Asher Cadapan Jr. UNTV News)

Tags: