Rodrigo Duterte at Leni Robredo, naiproklama na bilang bagong pangulo at pangalawang pangulo ng Pilipinas

by Radyo La Verdad | May 31, 2016 (Tuesday) | 4597

ROBREDO
Mag-isang umakyat sa Rostrum ng Kamara ang nanalong bise presidente pagkatapos ng proklamasyon kahapon dahil hindi dumalo sa proklamasyon si President Elect Rodrigo Duterte.

Habang naglalakad papunta sa Rostrum pinagkaguluhan si VP Elect Robredo ng kanyang mga kapwa kongresista.

Lahat at nakikamay, nagpa-picture at nagpaabot ng pagbati sa kanilang kapwa kongresista na ngayon ay nakatakda nang umupo bilang baging bise presidente ng bansa.

Kasama ni VP Elec Leni Robredo ang kanyang tatlong mga anak na babae nang umakyat sa Rostrum upang isagawa ang tradisyunal na pagtataas ng kamay para sa baging proklamang presidente at bise presidente.

Bahagya pang naantala ang pagtatas ng kamay ni Robredo dahil sa balitang mayroong helicopter umanong paparating sa Kamara sakay si President Elect Duterte subalit sa huli ay itinanggi ng house security ang balita.

Pagkatapos ng proklamasyon agad nang sinuspende ng dalawang kapulungan ng kongreso ang sesyon hanggang sa June 6.

Tumagal lamang ng 2 oras ang joint session ng Kamara kahapon.

Sa pagbubukas ng joint session kahapon agad naman isinulong ang committee report ng NBOC sa joint session.

Binasa ni NBOC Senate Panel Chairman Sen Koko Pimentel ang nilalaman ng committee report kabilang na ang mga discrepancies na kanilang nakita at kung paano nila ito nasolusyunan.

Bahagya namang nagkaroon ng tensyon sa loob ng plenaryo nang ipilit ni Northern Samar Rep. Harlin Abayon na resolbahin ang isyu na kung bakit hindi siya kasama sa roll call ng kamara gayung pumabor sa kanya ang desision ng House of Rep. Electoral Tribunal.

Subalit ayon kay House Majority Leader Neptali Gonzales hindi maaaring solusyunan ng Kamara ang kanyang problema sa pagkakataon iyon.

Nagpumilit si Abayon kaya naman hiniling ni Gonzales na utusan ang house security na palabasin ito.

Subalit agad namang sumunod sa rules si Abayon at hindi na ipinilit pa ang kanyang kuwestiyon.

Sumunod na tumayo para nagbigay ng saloobin ay ang campaign manager ni Sen. Bong-Bong Marcos na si Cong Jonathan dela Cruz.

Kinuwestiyon nito ng ang kredibilidad ng eleksyon ngayong 2016 dahil mayroon daw silang nakitang mga isyu na dapat gawan ng aksyon ng COMELEC gaya ng under vote at vote buying.

Sa kabila ng mga pagkuwestiyon ng ilang kongresista inaprubahan pa rin ng Kamara at Senado ang joint canvassing committee report.

Kung saan opisyal na nagpoproklama sa pagkapanalo nina President Elect Rodrigo Duterte at Vice Pres Elec. Leni Robredo.

(Grace Casin/UNTV NEWS)

Tags: , ,