Robredo, hinimok ang Presidential Electoral Tribunal na sundin ang batayan sa pagbilang ng boto noong 2016 elections

by Radyo La Verdad | April 20, 2018 (Friday) | 8208

Aminado si Vice President Leni Robredo na nababawasan na ang kanyang boto sa manu-manong bilangan ng Korte Suprema na tumatayong Presidential Electoral Tribunal (PET).

Sa isang presinto halimbawa sa bayan ng Balatan, Camarines Sur, labindalawang boto ang nabawas kay Robredo, ngunit walang nabawas na boto kay Marcos.

Ayon kay Robredo, resulta ito ng ipinatutupad na 50% threshold ng tribunal. Ibig sabihin, dapat umabot sa kalahati ng bilog ang shaded o namarkahan para mabilang ang boto.

Kaya’t pakiusap ni Robredo sa kanyang motion for reconsideration, baguhin ng SC ang resolusyon nito at gawing 25% lamang ang batayan para maibilang ang isang boto.

Hinihiling din niya na agad utusan ang mga revisor ng PET na bilangin ang boto kahit kulang sa kalahati ang marka sa mga bilog.

Sa kanilang resolusyon nitong April 10, sinabi ng Korte Suprema na wala silang alam na 25% ang threshold na ginamit ng Comelec noong 2016 elections.

Kaya’t bilang patunay, isinumite ni Robredo sa tribunal ang sulat ni Comelec Commissioner Louie Tito Guia tungkol dito, na aprubado pa ng Comelec en banc.

Pero ayon sa tagapagsalita ni Marcos na si Atty. Vic Rodriguez, mali ang paggamit ni Robredo sa 25% na threshold dahil ipinasa ito ng Comelec noon lamang September 2016, apat na buwan makalipas ang halalan o tatlong buwan matapos maghain ng protesta si Marcos.

Malinaw aniya na pakana ng Comelec sa pangunguna ni dating Chairman Andres Bautista ang pagbago sa batayan ng pagbilang sa boto, upang paboran si Robredo sa manu-manong bilangan.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

Tags: , ,