METRO MANILA – Nakikipag-negosasyon ang Department of Health (DOH) sa Estados Unidos upang makakuha ng Monkeypox vaccine.
Ayon kay Department of Health (DOH) Officer in Charge Usec. Maria Rosario Vergeire, ang paraan ng pagbabakuna kontra sa Monkeypox ay tinatawag na ring vaccination.
Ang ring vaccination ay iba sa paraan kung paanong isinasagawa ang COVID-19 vaccination.
Sakaling magkaroon ang Pilipinas ng bakuna kontra Monkeypox, ayon sa DOH “high priority” na mabakunahan nito ang mga may exposure o close contacts ng mga kumpirmadong kaso ng Monkeypox.
Sa kasalukuyan 4 ang kumpirmadong kaso ng Monkeypox sa Pilipinas. Asymptomatic at nasa isolation facility na ang ika-4 na kaso nito sa bansa.
Asymptomatic din ang 14 na close contacts nito, 6 ang naka-quarantine , 1 ang sumasailalim sa self- monitoring at ang 1 ay umaasiste sa kumpirmadong kaso. Ang 6 na iba pa ay nakatapos na ng kanilang quarantine.
Batay sa update ng DOH, ang ika-2 at ika-3 Monkeypox case sa bansa ay parehas asymptomatic at nasa isolaton pa.
Samantala, nag-aalinlangan nang makipag-usap at magbigay ng karagdagang impormasyon ang ika-4 na Monkeypox patient sa Pilipinas.
Bunsod ito ng nangyaring insidente kung saan nai-post sa social media ang aktwal na larawan niya.
Muli namang nagpaalala ang DOH, na igalang ang personal na datos ng mga pasyenteng may, Monkeypox at huwag itong basta-basta ipakakalat.
Iniulat naman ng World Health Organization (WHO) na bumaba na sa 21% noong nakaraang Linggo ang global Monkeypox cases
Ayon kay WHO General Tedros Adhanom Ghebreyesus, senyales ang pagbaba ng kaso ng pagbaba rin ng outbreak partikular na sa bahagi ng Europe dahil sa mabisang pagpapatupad ng health protocols.
Sa kasalukuyan, nasa mahigit 46,000 na ang kabuuang kasong naitala mula sa 98 bansa ayon sa Centers for Disease Control and prevention (CDC).
Patuloy na hinihikayat ng WHO ang mga bansa na mas paigtingin pa ang pag-aaral sa pagiging epektibo ng bakuna upang matiyak ang pagkolekta ng mga datos habang pina-iigting ang access sa mga ito.
(JP Nunez | UNTV News)