Binalaan ng hepe ng pambansang pulisya ang mga riding-in-tandem criminal sa bansa. Ayon kay Police Director General Ronald Dela Rosa, ang mga ito naman ngayon ang kanilang sunod na tututukan matapos ipagpaubaya sa PDEA ang war on drugs ng pamahalaan.
Batay sa datos ng PNP, mayroong halos apat na pung libong kaso ng krimen na kinasasangkutan ng riding-in-tandem ang naitala mula noong 2010 hanggang ngayong taon. Dalawampu’t walong porsyento rito o halos labing isang libong kaso ay mga insidente ng pamamaril.
Ayon sa hepe ng pambansang pulisya, ang pagsugpo ngayon dito ang kanilang tututukan matapos ilipat ng Pangulo sa PDEA ang responsibilidad sa war on drugs ng pamahalaan.
Inihayag din ni General Bato Dela Rosa na bago pa man ilabas ang kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagtatalaga sa PDEA bilang sole agency sa anti-drug operations ay napag-usapan na nila ito ng punong ehekutibo.
Dagdag pa ng heneral, magkahalong emosyon ang naramdaman niya nang alisin na sa PNP ang paghawak sa mga operasyon kontra iligal na droga.
( Sherwin Culubong / UNTV Correspondent )
Tags: pdea, PNP, riding-in-tandem