Ricardo “Ardot” Parojinog, nasa kustodiya na ng PNP matapos i-deport ng Taiwanese government

by Radyo La Verdad | July 30, 2018 (Monday) | 2790

Mismong si Philippine National Police Chief Director General Oscar Albayalde ang sumalubong kay Ozamis City Councilor Ricardo Parojinog alyas Ardot o Arthur Parojinog nang dumating ito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Biyernes ng gabi.

Si Parojinog na nahaharap sa mga kasong illegal drugs, illegal possesion of firearms and ammunition, illegal possession of explosives at murder dito sa Pilipinas. Siya ay may isang taon ding nagtago sa Taiwan kasunod ng isinagawang raid ng PNP sa kanilang bahay.

Buwan naman ng Mayo ng arestuhin ito ng Taiwanese police officials dahil sa mga kaso ng paglabag sa National Security Act, Immigration Act at falsification of documents ng naturang bansa.

Umaasa naman ang PNP na makikipagtulungan si Parojinog sa pagpapahayag ng mga nalalaman nito kaugnay sa operasyon ng iligal na droga sa bansa at iba pang krimen na kinasasangkutan ng kanyang grupo.

Bunsod ng isyu ng seguridad, pansamantalang ikinulong si Ardot Parojinog sa PNP Custodial Center sa Camp Crame habang hinihintay pa ng PNP ang desisyon ng korte kung saan ito ipipiit.

 

( Asher Cadapan Jr.  / UNTV Correspondent )

Tags: , ,