Review ng DOJ sa war on drugs ng gobyerno, Tip of the Iceberg lamang – NUPL

by Radyo La Verdad | October 21, 2021 (Thursday) | 4877

MANILA, Philippines – Binigyang diin ni National Union of Peoples Lawyers Chairman Atty. Neri Colmenares na ang 52 kaso na ni-review ng DOJ sa pagkamatay ng mga suspek sa war on drugs ng pamahalaan ay seryosong larawan ng irigularidad sa naturang kampanya.

Batay sa impormasyon na inilabas ng DOJ, may parusang ipinataw sa mga nakitaan ng pagkakamali sa police operational procedures. 35 kaso ang pinatawan suspension, sa 12 may na-demote, 6 na kaso ang nagkaroon ng dismissal from service.

Ayon kay Colmenares, kinumpirma lamang nito na nagkaroon ng pag-abuso ang mga pulis sa pagsasagawa ng anti-illegal drug operations sa ilalim ng Duterte administration.

Pero, maliit na bahagi lang aniya ito sa marami pang insidente na kailangan ng malalim na imbestigasyon para makapagsampa ng kaso sa mga korte.

Sinabi naman ng Free Legal Assistance Group (FLAG), bigo ang review ng doj na ipakita ang tunay na lawak ng paglabag sa karapatang pantao kaugnay ng drug war.

Samantala, naniniwala naman si Philippine National Police Chief General Guillermo Eleazar na ang desisyon ng DOJ na ilabas ang detalye ng kanilang review ay kasang-ayon sa paninindigan ng PNP sa transparency at accountability sa kanilang organisasyon.

Pero, ipinapapansin din ni Eleazar ang sakripisyo ng mga pulis at ang nagawa ng kampanya kontra iligal na droga

“Marami rin sa aming hanay ang nagbuwis ng buhay sa mga operasyong ito kaya nararapat lamang na mabigyan din sila ng hustisya sa mga maling paratang tungkol dito. At huwag din nating kakalimutan ang mga sakripisyo ng inyong kapulisan na nagresulta sa pagkakakumpiska ng bilyong-bilyong halaga ng mga iligal na droga.” ani PNP Chief, PGen. Guillermo Eleazar.

Ipinapaalala rin nito sa lahat ng tauhan ng pnp na istriktong sundin ang police operational procedures para hindi masangkot sa gulo.

(Dante Amento & Jeth Bandin)

Tags: ,