Returning OFWs, hindi pababalikin ng Kuwait hangga’t hindi napipirmahan ang bilateral agreement – DOLE

by Radyo La Verdad | February 14, 2018 (Wednesday) | 1949

 

Pabalik na sa Kuwait sa susunod na linggo ang mechanical technician na si Ray Viñas. Kumpleto na siya sa dokumento lalo na ng Overseas Employment Certificate o OEC.

Isang taon at kalahati rin siyang nagtrabaho sa Kuwait at umuwi lang para magpakasal noong isang buwan.

Ang problema ngayon, ipinatutupad na ng Department of Labor and Employment ang total deployment ban sa mga OFW sa Kuwait kabilang ang mga nagbabakasyon sa bansa na gaya ni Ray.

Ayon kay Labor Sec. Silvestre Bello III, kailangan munang lumagda sa bilateral agreement ang pamahalaan ng Kuwait bago payagan ang mga returning OFW na makabalik doon.

Paliwanag ng kalihim, nasa kasunduan ang mga probisyon na magbibigay ng tama at sapat na proteksyon sa mga manggagawa sa Kuwait. Isa rin sa iniingatan ng DOLE na may makalusot na mga pekeng balik-manggagawa.

Ayon kay Sec. Bello, tiyak na may magsasamantala kapag pinayagang bumalik doon ang ibang OFW na nagbabakasyon lamang sa bansa. Mahigit namang ipatutupad ng Bureau of Immigration ang deployment ban ng mga OFW sa Kuwait.

Babala ni Immigration Commissioner Jaime Morente, mabigat na parusa ang haharapin ng kanilang mga tauhan na makikipagsabwatan upang palusutin ang ibang OFW na patungong Kuwait.

Samantala, hindi maintindihan ng DOLE kung bakit ayaw pirmahan ng Kuwaiti Government ang bilateral agreement gayong wala naman silang hinihinging kondisyon sa pamahalaan ng Pilipinas.

Sa araw na ito ay malalaman ang magiging kapalaran ng mga katulad ni Ray Viñas na umaasang makakaipong muli at maitataguyod ang kaniyang pinasisimulang pamilya dahil posibleng magdesisyon na si Sec. Bello kung pwede pa ring payagang makaalis ang mga balik-manggagawa.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

Tags: , ,