Retired Gen. Aquino, pormal ng nanungkulan bilang bagong pinuno ng PDEA

by Radyo La Verdad | September 13, 2017 (Wednesday) | 2178

Sa isang simpleng seremonya, isinalin na kay dating PNP Region 3 Director at Retired Police Chief Superintendent Aaron Aquino ang pamumuno sa PDEA. Pinalitan ni Aquino si Isidro Lapeña na inilipat naman ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Bureau of Customs kapalit ng nagbitiw na si Nicanor Faeldon.

Ayon sa bagong PDEA chief, tututukan nito ang reformation programs sa mga drug surenderers. Isa sa isusulong ni Aquino ang pagkakaroon ng reformation center sa bawat syudad at munisipalidad tulad ng naging kampanya niya sa Region 3.

 Aniya mas mabilis ang proseso sa mga reformation centers kaysa sa mga rehabilitation centers na inaabot ng 6 na buwan hanggang isang taon.

Katuwang ang BOC, babantayan din aniya ng PDEA ang mga pantalan dahil 70%  ng illegal drugs na pumapasok sa bansa ay idinadaan sa mga pantalan.

 Samantala, walong informant naman ng PDEA ang nakatanggap ng kabuoang 5 milyong pisong pabuya sa ilalim ng Operation Private Eye. Pinakamalaki ang natanggap ni alyas June na aabot sa 2 milyong piso.

Naging susi si June sa pagkakaaresto sa 2 drug suspects at pagkakakumpisa sa mahigit 38 kilo ng shabu sa Paranaque City noong 2016.

Ang Operation Private Eye ang programa ng ahensya para mahikayat ang maraming sibilyan na isumbong ang mga taong sangkot sa kalakalan ng ipinagbabawal na gamot.

 

(Rajel Adora / UNTV Correspondent)

 

 

Tags: , ,