Ret. Police Gen.Dado Valeroso, dismayado sa umano’y pagharang ni Sen.Drilon sa pagsisiwalat ng audio-recording hinggil sa Mamasapano incident

by Radyo La Verdad | January 28, 2016 (Thursday) | 2060

JOAN_VALEROSO
Masama ang loob ni retired Police General Diosdado Valeroso hinggil sa umano’y pagharang sa kanya ni Senate President Franklin Drilon, sa pagsisiwalat ng audio recording na hawak nito kaugnay ng Mamasapano incident.

Giit ng dating heneral, dismayado sya sa ginawang pagbabanta sa kanya ni Senator Drilon,kung saan inihayag nito na posible pang makasuhan si Valeroso dahil sa iligal na pagrerecord ng isang usapan, sang-ayon sa Republic Act 4200 o ang Anti-Wiretapping Law.

Sa pahayag ni Valeroso,sinabi nito na may hawak ang kanilang grupo na limang audio-recording file na sinasabing naglalaman ng usapan ng isang opisyal ng pamahalaan at isang mambabatas hinggil sa Mamasapano clash.

Kaugnay nito muling nanawagan si Valeroso sa Senado,partikular na kay Senator Grace Poe, na payagan silang maiprisinta sa mga ito ang nasabing audio-recording na makatutulong umano upang lumabas ang buong katotohan at matukoy kung sino nga ba ang dapat na managot sa pagkasawi ng 44 na miyembro ng PNP-Special Action Force.

Tinutulan rin nito ang pahayag ni Senator Drilon na umano’y hindi na bago ang hawak na recording ni valeroso, na tumutukoy sa naging paguusap noon ni OPPAP Secretary Ging Deles at Senator Bongbong Marcos, upang pagtakpan ang katotohanan sa isyu para sa kapakanan ng isinusulong na panukalang Bangsamoro Basic Law.

Sakaling hindi mapagbigyan na maiprisinta se senado ang mga naturang audio-recording plano ng grupo at mga taga suporta ni Valeroso na iparinig ito sa kanilang gaganaping assembly at posibleng ring ipost sa social media upang ma-access ng publiko.

Tags: , , ,