Galit na pinagsisigawan ni Retired Major General Jovito Palparan si Judge Alexander Tamayo ng Malolos Regional Trial Court Branch 15 nang ibaba nito ang hatol na guilty sa kaniya kahapon ng umaga.
Napatunayan ng korte na nagkasala si Palparan sa kasong kidnapping at serious illegal detention dahil sa pagdukot sa mga estudyante ng University of the Philippines na sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño noong 2006.
Hinatulan itong makulong ng dalawampu hanggang apatnapung taon at pinagbabayad ng kabuuang 600,000 piso na danyos sa pamilya ng mga biktima.
Nahatulan ding guilty ang mga kapwa akusado nito na sina Lt. Col. Felipe Anotado at staff Sgt. Edgardo Osorio.
Ika-26 ng Hunyo 2006 dinukot sa Hagonoy, Bulacan sina Empeno at Cadapan na pinagbibitangang miyembro ng komunistang grupo.
Kwento ng testigong si Raymond Manalo, nasaksakihan niyang pinahihirapan ang dalawa sa loob ng kampo ng 24th Infantry Batallion sa Limay, Bataan noong Nobyembre 2006.
Huli niyang nakita ang mga ito noong Hulyo 2007 matapos ang ilang beses na paglilipat-lipat sa kanila ng kampo.
Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, dapat paniwalaang makakamit ang hustisya kahit mahuli man ang pagdating nito.
Iginagalang naman ng Malakanyang ang hatol kay Palparan. Matapos mahatulan, ipinalilipat na ng korte sina Palparan sa regular na kulungan mula sa detention cell nito sa Philippine Army Headquarters.
Nagpalabas na rin ng alias warrant si Judge Tamayo laban sa isa pang akusado na si Master Sgt. Rizal Hilario na nakalalaya pa rin hanggang sa ngayon.
Tiniyak naman ni Bureau of Corrections Director Ronald Bato Dela Rosa na hindi ito makakatanggap ng special treatment sa bilibid.
Bago aniya mailipat sa maximum security prison si Palparan ay 60 araw muna itong mananatili sa Reception Diagnostic Center si Palparan
( Nestor Torres / UNTV Correspondent )
Tags: Karen Empeño, Palparan, Sherlyn Cadapan