Resumption ng face-to-face classes, isasangguni ng DepEd sa IATF at NTF

by Erika Endraca | June 16, 2021 (Wednesday) | 5506

METRO MANILA – Bagaman bumababa na ang kaso ng COVID-19 sa National Capital Region Plus, dumarami naman ang bilang ng mga nagkakasakit sa mga probinsya lalo na sa Bicol, Visayas at Mindanao Region.

“Ang Department of Education kung siya ay magbibigay ng advise sa presidente ay kailangan ding kumonsulta sa aitf sa Department Of Health dahil ang expertise ng pagaaral nila sa variant na ito…at saka yung advise din ng national task force kasi sabi ng presidente na kailangan mabigyan sya ng assurance na ang mga bata ay safe” ani DepEd Sec. Leonor Briones.

Kaya naman ang Department of Education, wala pa ring plano sa ngayon kung iibalik na ang face to face classes sa darating na pasukan.
Ayon kay Education Secretary Leonor Briones, kokonsultahin muna nila ang Inter Agency Task Force at ang National Task Force, kaugnay sa sitwasyon ng COVID-19 sa bansa.

Ito ang magsisilbing batayan bago sila bumalangkas mga rekomendasyon sa pangulo ukol sa muling pagbubukas ng klase at kung ibabalik na ang face to face classes.

“Palagi nating hinahanapan ng paraan na makarespond but at the same time atin namang respetuhin ang batas na ipinasa ng ating Kongreso na ang presidente ang magdedecide pero dapat bigyan sya ng lahat ng datos ng lahat na impormasyon na kailangan nya para makagawa siya ng wise decision” ani DepEd Sec. Leonor Briones.

Plano ng DepEd na muling buksan ang klase sa Agosto o ikalawang Linggo ng Setyembre para sa school year 2021- to 2022.

Samantala naka antabay rin ang kagawaran sa magiging rekomendasyon ng DOH at NTF, kung kinakailangan na ring bakunahan laban sa COVID-19 ang mga estudyante.

“Ang advise sa atin ng Department Of Health at ni Secretary Galvez ay pagaralan ng husto kung kailangan ba na bakunahan ang mga bata kasi noon ang aming paningin ang mga bata pwedeng carriers…ngayon nakikita natin hindi pa natin sigurado kung anong ugali nitong bagong variants na sinasabing dangerous so makikinig tayo sa Department Of Health”ani DepEd Sec. Leonor Briones.

Nauna nang inaprubahan ng Food Drug Administration ang pagbabakuna ng Pfizer Biontech sa mga batang edad 12 hanggang 17, gayunman magsasagawa pa ng clinical trial kung maari ring itong iturok sa mga batang Pinoy.

(Janice Ingente | UNTV News)

Tags: ,