Resulta ng swab at blood test sa 2 poultry farm worker sa Pampanga, inaasahang ilalabas ngayong araw

by Radyo La Verdad | August 16, 2017 (Wednesday) | 1635

Malalaman na ngayong araw ang resulta ng swab at blood test sa dalawang poultry farm worker sa San Luis na nakitaan ng flu like-symptoms. Isa sa mga ito ay nilagnat at ang isa ay inuubo matapos na ma-expose sa mga manok na apektado ng avian flu virus.

Nasa isang ospital sila ngayon upang ma-obserbahan. Nagsagawa na rin ang Health Department ng contact tracing sa labingwalong iba pa na-expose sa mga flu-infected na manok.

Nilinaw naman ng DOH na hindi nakakahawa ang isang taong pinaghihinalaang may avian flu dahil animal to human ang karaniwang transmission nito at hindi human to human. Hindi rin dapat mabahala ang mga kalapit bayan ng San Luis sapagka’t hindi air-borne ang avian flu.

Pinawi rin ni DOH Asec Eric Tayag ang takot ng publiko bunsod ng mga naglalabasang impormasyon sa social media. Sinisiguro rin ng DPWH na handa silang tumugon sa pagpapagamot ng mga taong magpopositibo sa naturang sakit.

May mga nakahanda ring flu vaccine upang maagapan ang mga uri ng flu virus na maaaring mag- mutate sa katawan ng isang tao.

 

(Aiko Miguel / UNTV Correspondent)

 

Tags: , ,