Resulta ng pag-aaral sa Dalian trains, ilalabas ng independent audit team sa March 10 – DOTr

by Radyo La Verdad | March 2, 2018 (Friday) | 3677

Naging usap-usapan sa social media ang video ng Dalian trains, kung saan makikita na tumatakbo at gumagana ng maayos sa isinagawang test run nito. Umani ito ng positibong komento pero marami rin ang nagtatanong kung bakit hindi pa ito ginagamit.

Paliwanag ni Department of Transportation (DOTr) Undersecretary for Railways Timothy John Batan, hindi nila maaring basta na lamang patakbuhin ang Dalian trains.

Aniya, kinakailangang masuri ng mabuti ang signalling, compatibility at power supply ng mga ito upang makatiyak na ligtas itong sakyan ng mga pasahero.

Sa ngayon ay patuloy ang isinasagawang testing ng independent audit team na TÜV Rheinland sa mga Dalian train. Inaasahang ilalabas ng grupo ang resulta ng kanilang pag-aaral sa ika-10 ng Marso. Isa ito sa magiging basehan kung gagamitin o hindi ang mga bagon.
Halos dalawang taon na ang nakakalipas mula nang ma-ideliver sa bansa ang mga bagon mula China pero hindi pa rin ito napapakinabangan kahit madalas na nagkakaaberya ang operasyon ang MRT.

Samantala, ayon sa DOTr hindi nagka aberya ang operasyon ng Metro Rail Transit (MRT) noong February 22 hanggang 28.

Sa ngayon, nasa pito hanggang siyam na tren ang kayang patakbuhin ng MRT management sa isang araw.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,