Resulta ng lab test sa tubong naglalabas ng mabahong tubig sa Boracay, posibleng ilabas ngayong araw – DENR

by Radyo La Verdad | May 2, 2018 (Wednesday) | 4192

Nilinaw ni Atty. Richard Fabila ng Task Force Boracay na wala siyang sinasabi na ang tubig na nagmumula sa isang natuklasang tubo kahapon na naglalabas ng maitim at mabahong tubig sa Station 3 ng White Beach sa Boracay ay positibo sa fecal substance o dumi ng tao.

Ginawa ni Atty. Fabila ang pahayag matapos lumabas ang ulat positibo sa mga dumi ng tao ang tubig na lumalabas sa tubo.

Aniya, kahapon lamang ng tanghali nakakuha ng sample ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), at kinakailangan pa nilang maghintay ng labing wlaong oras bago ilabas ang resulta ng pagsusuri sa tubig.

Kahapon natuklasan ng Task Force Davao ang tubo na nakabaon sa buhangin sa beach. Nang hukayin ay tumambad na ang mabahong amoy at maitim na tubig.

Ayon sa DENR, posibleng galing ang tubig sa mga sewerage system sa Boracay.

Ayon kay Atty. Fabila, posibleng isa ito sa mga dahilan ng pagdumi ng tubig at pagdami ng lumot sa dalampasigan ng Boracay.

Pansamantala munang isinara ng DENR ang tubo upang hindi na ito maglabas ng maruming tubig at mabahong amoy.

Maaari aniyang kasuhan ng paglabag sa Clean Water Act o illegal discharge of untreated water ang matutukoy na establismento na nagmamay-ari nito.

 

( Lalaine Moreno / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,