Negatibo kapwa ang resulta ng dalawang DNA test na pinagdaanan ni Sen. Grace Poe at ng mga nagpakilalang posibleng kamag-anak ng senadora mula sa Iloilo.
Sa gitna ng mga isyung kinakaharap ngayon ni Poe ukol sa kanyang pagiging “natural born citizen”, sumailalim ito sa DNA testing kasama ng mga hindi pinangalanang indibiduwal na lumapit sa kanya.
Hinala ng mga ito na kamag-anak nila ang senadora na hanggang ngayon ay hindi pa rin nakikilala ang biological parents.
Matatandaang si Sen. Poe ay iniwan sa labas ng Jaro Cathedral pagkasilang at inampon ng mag-asawang Susan Roces at Fernando Poe Jr.
Kaugnay ng hindi magkatugmang resulta sa DNA tests ay nagpahayag ng pagkalungkot ang senadora dahil matagal na rin niyang inasam na makilala ang kaniyang tunay na pamilya.
Sa kabila nito, sinabi ni Poe na hindi siya titigil na patunayang siya ay Filipino.
Aniya, hindi lamang ang DNA ang legal na basehan para patunayan niyang siya ay Filipino citizen.
Tags: DNA, election 2016, Poe