METRO MANILA – Mahalaga at pangunahing requirement na itinatakda ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa indoor dining ang pagkakaroon ng vaccination card.
“Pag hindi hinanap yung card nila at naniwala… Kapag sinabi ng customer na vaccinated ako pero hindi hinanap yung card yun po is a ground for telling us the authorities, the LGUs na itong restaurant na ito ay hindi sumusunod sa requirement po, kasi ang requirement talaga ay maghahanap ng proof of vaccination.” ani DTI Sec. Ramon Lopez.
Kaya ayon kay Trade Sec. Ramon Lopez, maaring i-report ang mga restaurant na hindi nanghihingi ng proof of vaccination.
Sa ilalim ng patakaran ng IATF, pinapayagan ang 50% percent capacity sa indoor dining na ekslusibo para sa mga bakunadong customers.
Habang 70% capacity naman kung outdoor dining, mapabakunado o hindi.
Bukod sa mga restaurant, obligado rin ang iba pang business establishment na matalaga ng safety officer upang masiguro na mahigpit pa ring maipatutupad ang mga health protocols partikular na sa mga taong pumupunta sa mga mall.
Ang mga nais na mag-report ay maaring makipagugnayan sa DTI hotline number sa 1384.
Lahat ng kanilang matatanggap na sumbong ay personal na pupuntahan upang inspkesyunin para makumpirma ang reklamo.
Sakaling mapatunayan ang paglabag, makikipagugnayan ang DTI sa nakakasakop na Local Government Unit, upang mapatawan ng suspensyon o maipasara ang lumalabag na business establishment.
Samantala, umaasa naman ang DTI na magtutuloy-tuloy na ang pagbabalik-operasyon ng maraming mga negosyo lalo’t nalalapit na ang holiday season.
Naniniwala ang DTI na naging matagumpay ang pagpapatupad ng alert level restriction sa Metro Manila dahilan upang magbalik sigla ang ekonomiya.
(JP Nuñez | UNTV News)
Tags: DTI, Vaccination Card