Responsibilidad sa Mamasapano operation, matagal nang inako ng Pangulo – Malacañan

by monaliza | March 18, 2015 (Wednesday) | 2062
from UNTVWeb.com
from UNTVWeb.com

Matagal nang inako ni Pangulong Noynoy Aquino ang responsibilidad sa naging resulta ng operasyon sa Mamasapano, Maguindanao.

Ito ang sagot ng Palasyo sa committee report ng Senado sa Mamasapano incident kung saan nakasaad dito na may pananagutan ang Pangulo sa pagkamatay ng 44 na SAF commandos at naiwasan sana ang pagkamatay ng mga ito kung kumilos ng maagap si Pangulong Aquino at iba pang matataas na opisyal na sangkot sa operasyon.

Ayon kay Presidential Communications Secretary Herminio Coloma Jr. bago pa ilabas ng Board of Inquiry at Senado ang kani-kanilang ulat ay inako na ng Pangulo ang responsibilidad at sinabi nitong dadalhin niya ang mga pangyayaring ito sa huling araw ng kanyang buhay.

Sa isinagawang press briefing ni Senador Grace Poe kahapon, may immunity from suit si Pangulong Aquino subalit depende na lamang sa mga kongresista kung sasampahan ito ng impeachment complaint.

Samantala, nagbigay na rin ng tugon ang Palasyo sa naging pahayag ni dating pangulong Fidel V. Ramos sa hamon nito sa Pangulo na maglabas ng public apology. Ayon kay Coloma, hindi pa nila ito napaguusapan ni Pangulong Aquino dahil naka-focus anya ito sa paggawa ng paraan kung paano maayos ang gulo na idinulot ng Mamasapano operation. (ilang bahagi ng report galing kay Nel Maribojoc/UNTV News Correspondent)

Tags: , , , ,