Naghain ng resolusyon ang mga miyembro ng Senate Minority Bloc kanina.
Layon ng panukalang joint resolution na ipatigil ang pinapataw na dagdag buwis sa produktong petrolyo sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion TRAIN Law.
Sasakupin rin ng suspensyon na ito ang ipapataw na excise tax sa taong 2018 para sa 2nd tranch ng TRAIN Law; gaya ng pangkaraniwang panukalang batas, dadaan sa deliberasyon ang proposed resolution hanggang sa ito ay makapasa at malagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte,
Ang paghahain ng resolusyon ng mga senador ay kasunod na rin ng naging pahayag ni Pangulong Duterte na bukas ito sa suspensyon ng excise tax sa Enero. Welcome development naman ito sa ilang senador.
Ayon naman kay Senate President Vicente Sotto III, kung ito ang makalulutas sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin ay susuportahan niya ang suspensyon ng dagdag pataw na buwis sa produktong petrolyo sa susunod na taon.
Para rin sa senate president, may kapangyarihan naman ang Malakanyang na ipatigil ang pataw na buwis na ito.
Inaasahan ng minorya na maghahain rin ng counterpart resolution ang opposition group na nasa lower house.
Target ng Senate Minority Bloc na maipasa ang joint resolution bago ang holiday- session break sa Disyembre.
( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )
Tags: excise tax, Senate Minority Bloc, TRAIN Law