Resigned PNP Chief Albayalde, kinasuhan na sa DOJ kasama ng 13 Ninja Cops

by Erika Endraca | October 22, 2019 (Tuesday) | 22838

METRO MANILA, Philippines – Tuluyan nang isinama ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) si resigned PNP Chief Police General Oscar Albayalde bilang isa sa mga respondent sa reklamong kriminal na inihain sa Department Of Justice (DOJ)  laban sa mga tinaguriang ninja cops.

Para ito sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Act of 2002, anti-graft and corrupt practices act, qualified bribery at perjury. Binago ng PNP-CIDG ang orihinal na reklamo at idinagdag si Albayalde bilang respondent kasama ng 13 ninja cops.

Sa isang text message, naging maikli lang ang tugon ni Albayalde at sinabing mabibigyan siya due process sa hakbang na ginawa ng CIDG. Ayon sa PNP-CIDG, may pananagutan si Albayalde matapos mangialam umano sa naantalang dismissal order ng ninja cops.

“There is no strong single evidence no. ‘yung circumstances lang naman that will show that he is probably liable. Kasama rin doon of course ‘yong mga admission sa senate investigation.” ani CIDG Chief of legal division, PLtCol. Joseph Orsos .

Si Albayalde ang police provincial director nang mangyari ang drug raid sa Pampanga noong 2013. Dumistansya naman ang Malacañang sa pagkakasama kay Albayalde sa mga sinampahan ng reklamo ng CIDG.

“From the very start, we said if they feel that they have the case against anyone, then they can file it and let the law takes its course.” ani Presidential Spokesperson & Chief Presidential Legal Counsel Sec. Salvador Panelo.

Inakusahan ang grupo ng mga pulis na pinamumunuan ni police Major Rodney Baloyo ng pagtatanim ng ebidensya at pag-recycle ng mga nakukumpiskang iligal na droga mula sa isang suspected drug lord na si Johnson Lee. Sa ikalawang araw ng preliminary investigation ng DOJ, hindi ulit nakadalo si Baloyo na kasalukuyang nakakulong sa new bilibid prison sa Muntinlupa.

(April Cenedoza | UNTV News)

Tags: , ,